Friday, October 17, 2014

Smoking Kills, Di Nga Ba ? (Argumentativ)

          



       Parami na nang parami ang namamatay dahil sa bawat paghithit ng isang istik ng sigarilyo. Sa kasalukuyan, 28.3 porsiyento ng mga Pilipino, edad kinse pataas ang naninigarilyo. May malaking katanungan na nabuo sa isip ko dahil sa obserbasyong ito, "Ano nga bang ikinaganda ng panininigarilyo?". 

          Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lagi kang makakakita ng mga taong panay buga ng usok mula sa kani-kanilang sigarilyo. Naging parte na ito ng pamumuhay ng lipunan. Ilan sa mga rason ng mga tao kung bakit sila nahuhumaling sa paggamit ng sigarilyo ay ito raw ay nakakawala ng pagod at nakapipigil sa antok kapag nasa gitna sila ng pagtatrabaho, may ilan namang nagsasabi na nagiging "in" sila kung gumagamit nito. Nakababahala na ang patuloy na pagrami ng mga gumagamit ng sigarilyo kahit na hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang masamang epekto nito sa kalusugan. Pikit mata ang ilan na mga adik sa sigarilyo tungkol sa maaaring kahinatnan ng kanilang kalusugan kapag patuloy silang nagpakalulong sa paghithit sa mga ito. Ayon sa pag-aaral, naglalaman ng 4, 800 na kemikals ang usok mula sa sigarilyo, 69 dito ay maaaring magdulot ng kanser. Isa ring katotohanan na mas maagang namamatay ang mga naninigarilyo kaysa sa mga hindi gumagamit nito pero maaari  pa ring maapektohan ang mga taong ito kung makakalanghap sila ng usok mula sa sigarilyo. Maaari pa ring malagay sa bingit ng kapahamakan ang mga tao kahit hindi sila humithit ng sigarilyo.

          Nakakapangamba ring malaman na mismong pangulo natin ay lulong sa paggamit ng sigarilyo at hindi ito magandang tingnan para sa isang taong dapat sana'y modelo ng bansa. Nakikita naman nating may aksyong ginagawa ang pamahalaan ngunit parang kulang pa ang pagpapaalala nila sa mga tao. Kailangan nilang mas pag-igihin ang pagmungkahi ng mga solusyon at pagsasabatas ng mga ito upang supilin ang adiksyon ng mga tao sa sigarilyo. Kailangan nilang mas maghigpit para makasigurong ligtas ang mamamayang Pilipino mula sa mga negatibong epekto ng paninigarilyo. 

          Walang anumang kapaki-pakinabang sa paggamit ng sigarilyo. Kailangan rin siguro ang pagkilos at kooperasyon ng mamamayan at hindi lamang tuluyan na iasa sa pamahalaan ang paghahanap ng solusyon sa palaki nang palaking isyu na ito. Mas mapapabilis ang pagwakas sa masamang epekto ng paninigarilyo, kung sisimulan ng mga "smokers" ang pagbabago at pag-eensayo ng kontrol sa sarili.
     





Thursday, October 16, 2014

Laro ng Lahi (Ekspositori)

    Ang mga tradisyonal na larong Pilipino ay nabuo sa pamamagitan ng mga malikhaing isip ng ating mga ninuno ilang taon na ang nakalilipas. Ang mga larong ito ay bunga ng paghahangad ng mga Pilipino noon na magkaroon ng mapaglilibangan. Naglalayon ang mga larong ito na aliwin tayo sa mga pagkakataong tayo'y nayayamot o nababagot. Marami rin tayong makukuhang benepisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng paglalaro. Napupuno ng masayang tawanan ang paligid dahil sa kakaibang siglang naidudulot ng paglalaro sa atin.

       Ang mga larong Pilipino ay sumisimbolo sa mayamang kultura ng bansa kaya talagang maipagmamalaki natin ang mga ito saanman tayo mapadpad. Noong Pebrero 10, 1984 sa Laoag, Ilocos Norte nailunsad ang palarong ito. Pinangunahan ito ng Ministry of Education, Culture, and Sports na ngayo'y kilala na bilang Department of Education, Office of the Provincial Governor at Office of the Municipal Mayor. Kabilang sa palarong ito ang mga nalikhang larong Pilipino na binansagang "Laro ng Lahi". Ibinilang rin ang mga larong ito bilang parte ng asignaturang Physical Education ng Bureau of Physical Education and School Sports upang lalo pang mapagyaman ng mga estudyanteng Pilipino.

         Ilan sa mga tanyag na tradisyonal na larong Pilipino ay ang mga sumusunod:

  • Patintero - Ang pinakakilalang laro ng mga Pilipino na patuloy ang pagkalat ng popularidad sa iba't-ibang lalawigan . Mas kilala ang larong ito sa Bulacan. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isaalang-alang ng bawat manlalaro. Maaaring laruin ito ng grupo na hindi bababa sa 10 miyembro at ang basehan sa pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalabang grupo.
  • Luksong Lubid - Sa larong ito, lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot ng tali o ng pinagdugtong na mga goma. Kapag tumama ang paa ng manlalaro sa tali na dahilan upang matigil ang pag-ikot nito ay siyang hudyat na papalit naman ang ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter.
  • Taguan - Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga. Ito ay hango sa larong Ingles na tinatawag na "Hide and Seek". Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay tukuyin ang "taya". Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Pagkatapos magbilang ay hahanapin naman niya ang mga nagtatago. Ang bawat nagtatago ay hahanap naman ng paraan upang makalapit sa home base na hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng "save". Maililigtas mula sa pagkataya ang sinumang makagagawa nito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
  • Luksong Baka -  Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad nang bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binting lumukso sa ibang parte ng katawan ng taya, siya ang papalit dito. Sa mga bukirin ng Pangasinan sikat ang larong Pinoy na ito.
  • Jack en Poy - Binansagan itong "Rock-Paper-Scissors sa Ingles. Ang larong ito ay naglalayong matalo ang bawat galaw ng kamay sa pagitan ng dalawang manlalaro. Halimbawa, talo ng gunting ang papel, talo ng papel ang bato at talo ng bato ang gunting. Hindi makukumpleto ang larong ito kung wala ang kantang " jack-en-poy, hali hali hoy ! sino'ng matalo siya'ng unggoy!. Kinahihiligan ito ng karamihan sa Maynila.
        Ilan lamang ito sa mga larong pinasikat ng mga Pilipino sa bansa. Sa panahon ngayon, bihira na lamang tayong makatagpo ng mga kabataang matiyagang nagpapainit sa labas upang makapaglaro ng mga larong Pinoy. Mas patok na sa kanila ang mga naglilitawang online games sa kompyuter. Mas "hi-tech" at hindi na nila kailangang magpapawis at magpa-init dahil nasa loob lang sila ng kani-kanilang tahanan habang nilalaro ang mga games na ito. Hindi na nabibigyang pansin ang kagandahang dulot ng paglalaro sa labas kaya naman nakakalimutan na rin ng ilan ang karamihan sa mga tradisyonal na larong Pilipino.

     Marami mang mga laro ang naimbento gamit ang makabagong teknolohiya na mas kaakit-akit sa paningin natin, hindi pa rin nito magagawang tumbasan ang tunay na tuwang hatid ng mga larong Pilipinong likha ng ating mga ninuno , kahit na mabasa man tayo ng pawis, mangamoy init ng araw o mapagod at masugatan dahil sa kakatakbo.

Si Natsu Dragneel: Ang Fire Dragon Slayer (Deskriptiv)

          
               Natsu Dragneel, isang pangalang di pamilyar at kakaiba sa pandinig ng karaniwang Pilipino. Ito'y natural lamang sapagkat hindi naman siya kapanig ng mga kurakot na pulitiko ng bansa o kabilang sa mga sikat na artistang tinitilian ng henerasyon ngayon. Sa katunayan, hindi naman siya tunay na tao dahil isa lamang siyang karakter sa palabas na kung tawagin ay "anime". Iginuhit, kinulayan at pinagalaw ng mga malikhaing isip at voila ! nabigyang katauhan ang isang binatilyong bayani ng isang kathang-isip na kahariang kung tawagin ay "Fiore". Hindi man siya totoong tao, marami naman siyang mga tagahangang nabihag sa kanyang karisma at ipinagmamalaki kong isa ako sa mga tagahangang iyon.  
               Si Natsu ay ang protagonista sa kinahuhumalingan kong anime ngayon na pinamagatang "Fairytail". Kulay rosas ang kanyang buhok at kulay itim naman ang kanyang mga mata na nagliliyab kapag nakikipagsagupaan siya sa kanyang mga kalaban. Katamtaman lamang ang laki at hulma ng kanyang katawan. Nagtataglay din siya ng kayumangging kompleksiyon. Lagi niyang suot sa palibot ng kanyang leeg ang puti at makaliskis niyang bandana na bigay sa kanya ng kanyang amang si Igneel . May marka rin siya ng kanilang samahan na matatagpuan sa kanyang kanang balikat.

               Isa si Natsu sa pinakamatapang at makapangyarihang salamangkero sa Fiore. Ang kanyang mahika ay ang paggamit ng apoy na natutunan niya sa kanyang amang si Igneel na isang dragon. Dahil sa kakaibang kalibre na taglay ng kanyang mahika, tinagurian siyang "Fire Dragon Slayer" ng nakararami. Siya ay mapusok at walang ingat kaya naman marami siyang nagigibang bagay , mga imprastraktura, at maging mga pagmumukha ng kanyang mga kaaway . Likas na sa kanya ang pakikipag-buno kahit sa kapwa miyembro ng kanilang samahan ngunit kahit may ganoon siyang personalidad, isa siyang tapat at maaasahang kaibigan. Lagi siyang nariyan upang ipagtanggol ang mga ito mula sa pang-aapi ng mga kalaban. Kapag naramdaman niyang malungkot at nawawalan na ng pag-asa ang mga kaibigan at mga mahal niya sa buhay, handa siyang gawin ang kahit na anong paraang maiisip para magising lamang ang mga diwa at mapangiti ang mga ito.

          Sa kabila ng mga kahanga-hangang katangian na ito ni Natsu, hindi maikakailang may kahinaan rin siya tulad ng mga totoong tao. Madali siyang malula at mabilis pa sa alas-siyete na sumasama ang kanyang pakiramdam kapag siya'y nakasakay sa anumang sasakyang umaandar. Si Happy, ang kanyang alagang pusang may pakpak at partner sa lahat ng kalokohan lamang ang tanging nasasakyan niya na hindi nagdudulot ng anumang linggatong sa kanyang katawan. Nakakatuwang isipin na kahit may napakalakas na kapangyarihan si Natsu, hindi man lamang niya magawang talunin ang sariling kahinaan.

              Piksyonal man o kathang-isip lamang si Natsu Dragneel, hindi pa rin ito naging hadlang sa akin upang pag interesan at hangaan nang husto ang karakter nito sa "Fairytail". Marami akong natutunan mula sa mga kalokohan niya at para sa akin, siya ang kabuuran ng isang kaibigang tunay na masasandalan sa hirap at sa ginhawa.

Maikling Kwento : To Daedalus' Maze


       
        

        Malapit nang sumabog ang utak ni Miria dahil sa gabundok niyang takdang-aralin at mga proyekto. Kating-kati na siyang silaban ang mga nagkakapalang libro na kailangan pa niyang buklatin at pag-aralan upang may maisagot siya sa sunod-sunod na pasulit bukas.

            Nakahiga siya sa malamig na semento ng kanyang kwarto habang lutang na lutang ang imahinasyon niyang abot hanggang kalawakan ng Andromeda. May biglang kumatok sa pinto kaya napabalikwas siya sa pagkakahiga. Siya lang mag-isa ang kasalakuyang nasa loob ng kanilang bahay dahil may lakad ang kanyang mga magulang kaya imposibleng may makapasok doon ng hindi niya nalalaman. Kinakabahan man, tumayo siya at binuksan ang pinto ngunit napalitan ang kanyang kaba ng pagtataka dahil wala siyang nakitang tao o naramdamang presensiya bagkus ay isang maliit na kahon lamang ang nadatnan niya sa sahig. Dali-dali niyang binuksan ang kahon ngunit wala itong laman, itinapon niya ito at babalik na sana siya sa pagkakahiga nang mapansin niyang biglang nag-iba ang anyo ng kanyang kwarto. Nagsulputan ang nagtataasang pader na gawa sa mga halamang di pamilyar sa kanya at biglang nabalot ng dilim ang paligid. Nakarinig siya ng isang nakakapanindig-balahibong boses na animo'y nanggagaling sa kailaliman ng lupa. "Ako si Daedalus, ang nagmamay-ari ng dimensiyong ito!. Sundin mo ang utos ko mortal na nilalang, nais kong subukin ang iyong tatag. Kailangan mong hanapin ang tamang daan palabas sa aking laberinto upang makabalik ka sa orihinal mong dimensiyon kundi, mabubulok ka at maaaring mamatay rito."

          Nagsitayuan ang balahibo ni Miria dahilan ng labis na takot sa narinig na boses. Napuno ng katanungan ang kanyang isipan, "Paano ako napunta rito ?", "Paano kung di ako makalabas?", "Mayroon ba akong nagawang pagkakamali para danasin ito?". Bago pa man niya mahanap ang mga kasagutang bumabagabag sa isipan, hinila na siya ng kanyang mga paa patungo sa madilim na "maze". Sinundan niya ang kakarampot na liwanag sa makipot na daanang kanyang tinatahak. Halos mahilo si Miria dahil kanina pa siya ikit nang ikit sa loob ng madilim at nakakatakot na laberinto ngunit wala pa rin siyang matanaw na labasang maghahatid sa kanya pabalik sa dimensyong kanyang pinanggalingan.

            Susubukan niya sanang gibain ang mga haligi kung di lang sana siya pagod nang may biglang naaninag siyang pintuan sa dulo ng makipot na daan. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nagmamadaling pumunta sa lugar na pinagmumulan ng kanyang pananabik. Nang marating niya ang pintuan, bigla siyang nahulog. Naglahong parang bula ang pintuan na kanyang dinaanan. Hindi man lamang siya nakaramdam ng sakit samantalang mataas ang kinabagsakan niyang lugar. Biglang nagsalita si Daedalus, "Malapit mo nang maabot ang kasarinlang minimithi, Hanapan ako ng dilaw na guryon at kapag natagpua'y katumbas nito'y susing magpapalaya sa iyo nang tuluyan."

           Nabuhayan ng loob si Miria at agad na ipinagpatuloy ang paghahanap sa bagay na binanggit ng misteryosong lalaki. Hindi nahirapan si Miria dahil agad niyang natagpuan ang dilaw na guryon sa ibabaw ng isang sira-sirang lamesa. Kinuha niya ito buong tapang na sumigaw, "Daedalus! narito na ang dilaw mong guryon! Ibigay mo na sa'kin ang susi at nang makalabas na ako rito!". Walang emosyong sumagot si Daedalus, "Ipagpaumanhin mo mortal pero wala pa akong pinahintulutang lumabas mula sa aking laberinto kaya magdusa ka sa kahahanap ng daan palabas." "Anong sinabi mo?! pakawalan mo ako rito Daedalus!" galit na galit na sigaw ni Miria ngunit hindi na niya narinig pang muli ang boses ni Daedalus. Naglahong bigla ang lahat ng pag-asa na kanyang pinanghahawakan. Nahilamos niya ang kamay sa mukha at sunod-sunod na pumatak ang kanyang mga luha. Biglang dumilim ang paligid at nawalan siya ng ulirat.

       Nagising si Miria dahil sa ingay ng katok na bumulabog sa kanyang pagkakatulog. Halos malaglag ang kanyang panga nang mapansin ang paligid, nakabalik na siya sa kanyang kwarto. Isa lamang bangungot ang sinapit kaya lumuwag ang pagkakasikip ng kanyang dibdib. Agad siyang bumangon at binuksan ang pinto sa pag-aakalang baka bumalik na ang kanyang mga magulang. Napasigaw siya at dali-daling sinarado ang pinto ng kwarto nang makita kung ano ang nasa labas.


           Isang pamilyar na kahon na may nakasulat na mga katagang, "To Daedalus' Maze".

         

Wednesday, October 15, 2014

Ang Diyosa ng Buwan at ang Tagahanga (Narativ)

     

             Matamang pinagmamasdan ni Faux ang kariktan ng buwan mula sa bintana ng kanyang kuwarto. Mayroon itong mahiwagang aura na hindi niya mawari kung kaya'y ganoon na lamang kasidhi ang interes niya rito. Isa nga siyang tunay na tagahanga nito. 
          
              Nagsimula ang kanyang pagkahumaling sa kagandahan ng buwan ng marinig ang mga kwento ng kanyang tiyo noong walong taong gulang pa lamang siya. Nagawa niyang punuin ang kanyang kwarto ng mga libro at iba pang sulating naglalaman ng kung ano-anong impormasyon tungkol sa buwan. Sa sobrang pagkabighani sa satelayt ng daigdig, walang gustong makipagkaibigan sa binatilyo dahil nahihirapan silang intindihin ang takbo ng utak nito. Maging ang kanyang pamilya ay nahihirapan na ring makausap siya nang matino kaya naman nagpasya na lamang si Faux na magtago at lunurin ang sarili sa adiksiyon sa buwan. Tuluyan ng sinarado ni Faux ang pinto na nag-uugnay sa kanya sa buhay sa labas. Lagi niyang hinihintay ang pagsapit ng gabi upang mapagmasdan uli ang buwan. Nagawa na rin niyang humiling na sana'y mag-anyong tao na lamang ito upang may makausap naman siya ngunit gaya ng inaasahan, walang katuparan ang imposible. Sa matagal na panahon niyang pag-iisa, nagsisimula na siyang makaramdam na may kulang sa sarili ngunit binalewala niya ito at patuloy na sinamba ang alindog ng buwan.

        Sa kanyang patuloy na pagmamasid sa buwan, hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang paglitaw ng kakaibang liwanag mula rito. Sa unang pagkakataon, naisipan niyang lumabas sa kanilang bahay upang matanaw nang maayos ang liwanag na iyon. Lalakad na sana siya patungo sa pintuan ng kanyang kuwarto nang biglang nanigas ang kanyang katawan. Sinubukan niyang ihakbang muli ang kanyang mga paa sa pagbabaka-sakaling guni-guni lamang ang paninigas ng katawan ngunit walang nangyari, nanatili pa rin siya sa kanyang puwesto sa harap ng bintana na animo'y estatwa. Tagaktak na ang malamig na pawis sa kanyang noo at mga kamay. Nagsimula siyang kabahan ng maramdaman ang paglakas ng ihip ng hangin at nang makita niya na may pumanaog mula sa kakaibang liwanag na pumapalibot sa buwan. Palapit nang palapit sa kanyang kinaroroonan ang kung anumang elementong iyon at ng hindi na nagkakalayo ang distansya nila sa isa't-isa, unti-unti niyang naaninag ang pigura ng isang babae. Ginusot niya ang kanyang mata upang malaman kung namamalik-mata lamang siya ngunit sa muling pagbuklat niya rito, nasa harapan na niya ang babae.

            Napalitan ng pagkamangha ang kanyang kaba dahil sa kagandahan ng dilag at halos mahimok siyang hawakan ang mukha nito kung nakakagalaw lamang siya ngunit agad rin niyang inayos ang sarili at nadiskubreng naigagalaw pa rin niya ang kanyang bibig. "Maaari ko bang malaman kung sino ka ?" tanong niya sa dilag. "Ako si Selene, ang Diyosa ng buwan." sagot nito sa malumanay na tinig. "A-ano ako nga pala si Faux at nagagalak akong makilala ka." sabay handog ng kanyang ngiti sa diyosa. Halos pumalakpak ang kanyang tainga nang marinig ang matamis na tawa ng Diyosa dahil sa kanyang pagpapakilala, hindi siya makapaniwala na nabigyang katuparan ang hiling niyang mag-anyong tao ito. Ang Diyosa ngayo'y nasa harapan na niya at nakakausap pa niya. "Diyosa Selene, maaari mo bang pagalawin muli ang aking katawan?" tanong niya rito ngunit sinuklian lang siya nito ng makahulugang ngiti. "Faux, hindi na ako magpapaligoy pa, narito ako upang tuparin ang iyong hiling at ngayong natupad na ito, maaari ko na ring singilin ang nais kong kabayaran.". Nagulat si Faux sa pag-iiba ng tono ng pananalita nito ngunit tinanong niya pa rin ang Diyosa, "Anong kabayaran?". "Nais kong dalhin ka sa buwan." sabay ngiti nito. Napaisip si Faux at may kung anong bumagabag sa kanyang kalooban, naalala niya ang kanyang pamilya. "Gusto ko mang tanggapin ang alok mo pero may buhay ako rito at hindi ko maaaring iwanan ang aking pamilya." Tumawa lamang ito at nagsalita gamit ang malamig at kahindi-hindik na boses, "Wala ka ng buhay rito Faux, wala ng pakialam ang pamilya mo sa iyo !""HINDI ! HINDI YAN TOTOO ! Hindi mo kilala ang pamilya ko ! mahal nila ako !" nagngingitngit na sigaw ni Faux. Biglang may lumitaw na imahe ng kanyang pamilya sa harapan niya, masaya ang mga itong kumakain at nagkukuwentuhan sa kanilang hapag-kainan ni hindi nila pansin na kulang sila ng isang miyembro, si Faux. Nanghina siya at tuluyang nilamon ng lungkot. Maaari ngang totoo ang sinasabi ng Diyosa, hindi na siya kailangan ng kanyang pamilya. Wala na siyang nagawa kundi ang lumuha at pagsisihan ang mga pagkakataong sinayang niya sa pagkahumaling sa buwan. Handa na niyang tanggapin ang kanyang tadhana ng marinig niya ang katok sa kanyang pinto. "Faux, anak ~ kakain na, hinanda ni mama ang paborito mong ulam, lumabas ka na riyan ha." malambing na boses ng ina ang nakapagpagising sa kanya. Ibinaling niya uli ang pansin sa Diyosa ngunit wala na ito sa kanyang harapan, bagkus ay ang malumanay na tinig na lamang nito ang kanyang narinig , "Sana'y may natutunan ka mula rito, pahalagahan mo ang sarili at ang iyong pamilya. Hindi nararapat na sayangin ang buhay dahil lang sa pagkahumaling sa isang bagay na di mo naman tiyak kung makapagbibigay ng kaligayahan sa iyo. Paalam Faux.". Nabunutan ng tinik si Faux at tumugon sa mensahe ng Diyosa, "Maraming salamat sa leksyong ito Diyosa Selene, hinding-hindi ko ito makakalimutan!". Napansin niyang nakakagalaw na siya kaya agad niyang pinunasan ang kanyang luha at ngumiti. Lumakad siya patungo sa pinto ng kuwarto at pinihit ang siradura, ito na ang huling beses na ikukulong niya ang sarili mula sa presensiya ng mga taong tunay na nagmamahal sa kanya. Panahon na upang buksan niyang muli ang pintong nag-uugnay sa kanya sa mas maligayang buhay sa labas.

     

Tuesday, October 14, 2014

Tula: Ina



Sa pinakamarikit na babae sa mundo,
Inaalay ang tulang ito.
Ako'y pinagpala dahil sa'yo,
Pag-aaruga mo'y nagbigay liwanag sa'king puso.

Sa mala-anghel mong ngiti
At malumanay mong haplos,
Ang buhay ko'y napuno ng kulay
At nagliwang nang tunay.

Walang sawa ang pagtangkilik sa'yo.
Ikaw ang aking Darna at idolo,
Sa aki'y isa kang huwarang totoo
Na habambuhay nakatatak sa diwa ko.

Oh aming ilaw !
Pasasalamat sa iyo'y abot langit na
Dahil sa sakripisyo't paghihirap mo,
Ako'y nabuhay sa mundong ito.