Ang mga tradisyonal na larong Pilipino ay nabuo sa pamamagitan ng mga malikhaing isip ng ating mga ninuno ilang taon na ang nakalilipas. Ang mga larong ito ay bunga ng paghahangad ng mga Pilipino noon na magkaroon ng mapaglilibangan. Naglalayon ang mga larong ito na aliwin tayo sa mga pagkakataong tayo'y nayayamot o nababagot. Marami rin tayong makukuhang benepisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng paglalaro. Napupuno ng masayang tawanan ang paligid dahil sa kakaibang siglang naidudulot ng paglalaro sa atin.
Ang mga larong Pilipino ay sumisimbolo sa mayamang kultura ng bansa kaya talagang maipagmamalaki natin ang mga ito saanman tayo mapadpad. Noong Pebrero 10, 1984 sa Laoag, Ilocos Norte nailunsad ang palarong ito. Pinangunahan ito ng Ministry of Education, Culture, and Sports na ngayo'y kilala na bilang Department of Education, Office of the Provincial Governor at Office of the Municipal Mayor. Kabilang sa palarong ito ang mga nalikhang larong Pilipino na binansagang "Laro ng Lahi". Ibinilang rin ang mga larong ito bilang parte ng asignaturang Physical Education ng Bureau of Physical Education and School Sports upang lalo pang mapagyaman ng mga estudyanteng Pilipino.
Ilan sa mga tanyag na tradisyonal na larong Pilipino ay ang mga sumusunod:
Ilan sa mga tanyag na tradisyonal na larong Pilipino ay ang mga sumusunod:
- Patintero - Ang pinakakilalang laro ng mga Pilipino na patuloy ang pagkalat ng popularidad sa iba't-ibang lalawigan . Mas kilala ang larong ito sa Bulacan. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isaalang-alang ng bawat manlalaro. Maaaring laruin ito ng grupo na hindi bababa sa 10 miyembro at ang basehan sa pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalabang grupo.
- Luksong Lubid - Sa larong ito, lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot ng tali o ng pinagdugtong na mga goma. Kapag tumama ang paa ng manlalaro sa tali na dahilan upang matigil ang pag-ikot nito ay siyang hudyat na papalit naman ang ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter.
- Taguan - Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga. Ito ay hango sa larong Ingles na tinatawag na "Hide and Seek". Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay tukuyin ang "taya". Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Pagkatapos magbilang ay hahanapin naman niya ang mga nagtatago. Ang bawat nagtatago ay hahanap naman ng paraan upang makalapit sa home base na hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng "save". Maililigtas mula sa pagkataya ang sinumang makagagawa nito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
- Luksong Baka - Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad nang bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa kanyang tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binting lumukso sa ibang parte ng katawan ng taya, siya ang papalit dito. Sa mga bukirin ng Pangasinan sikat ang larong Pinoy na ito.
- Jack en Poy - Binansagan itong "Rock-Paper-Scissors sa Ingles. Ang larong ito ay naglalayong matalo ang bawat galaw ng kamay sa pagitan ng dalawang manlalaro. Halimbawa, talo ng gunting ang papel, talo ng papel ang bato at talo ng bato ang gunting. Hindi makukumpleto ang larong ito kung wala ang kantang " jack-en-poy, hali hali hoy ! sino'ng matalo siya'ng unggoy!. Kinahihiligan ito ng karamihan sa Maynila.
Ilan lamang ito sa mga larong pinasikat ng mga Pilipino sa bansa. Sa panahon ngayon, bihira na lamang tayong makatagpo ng mga kabataang matiyagang nagpapainit sa labas upang makapaglaro ng mga larong Pinoy. Mas patok na sa kanila ang mga naglilitawang online games sa kompyuter. Mas "hi-tech" at hindi na nila kailangang magpapawis at magpa-init dahil nasa loob lang sila ng kani-kanilang tahanan habang nilalaro ang mga games na ito. Hindi na nabibigyang pansin ang kagandahang dulot ng paglalaro sa labas kaya naman nakakalimutan na rin ng ilan ang karamihan sa mga tradisyonal na larong Pilipino.
Marami mang mga laro ang naimbento gamit ang makabagong teknolohiya na mas kaakit-akit sa paningin natin, hindi pa rin nito magagawang tumbasan ang tunay na tuwang hatid ng mga larong Pilipinong likha ng ating mga ninuno , kahit na mabasa man tayo ng pawis, mangamoy init ng araw o mapagod at masugatan dahil sa kakatakbo.
No comments:
Post a Comment