Matamang pinagmamasdan ni Faux ang kariktan ng buwan mula sa bintana ng kanyang kuwarto. Mayroon itong mahiwagang aura na hindi niya mawari kung kaya'y ganoon na lamang kasidhi ang interes niya rito. Isa nga siyang tunay na tagahanga nito.
Nagsimula ang kanyang pagkahumaling sa kagandahan ng buwan ng marinig ang mga kwento ng kanyang tiyo noong walong taong gulang pa lamang siya. Nagawa niyang punuin ang kanyang kwarto ng mga libro at iba pang sulating naglalaman ng kung ano-anong impormasyon tungkol sa buwan. Sa sobrang pagkabighani sa satelayt ng daigdig, walang gustong makipagkaibigan sa binatilyo dahil nahihirapan silang intindihin ang takbo ng utak nito. Maging ang kanyang pamilya ay nahihirapan na ring makausap siya nang matino kaya naman nagpasya na lamang si Faux na magtago at lunurin ang sarili sa adiksiyon sa buwan. Tuluyan ng sinarado ni Faux ang pinto na nag-uugnay sa kanya sa buhay sa labas. Lagi niyang hinihintay ang pagsapit ng gabi upang mapagmasdan uli ang buwan. Nagawa na rin niyang humiling na sana'y mag-anyong tao na lamang ito upang may makausap naman siya ngunit gaya ng inaasahan, walang katuparan ang imposible. Sa matagal na panahon niyang pag-iisa, nagsisimula na siyang makaramdam na may kulang sa sarili ngunit binalewala niya ito at patuloy na sinamba ang alindog ng buwan.
Sa kanyang patuloy na pagmamasid sa buwan, hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang paglitaw ng kakaibang liwanag mula rito. Sa unang pagkakataon, naisipan niyang lumabas sa kanilang bahay upang matanaw nang maayos ang liwanag na iyon. Lalakad na sana siya patungo sa pintuan ng kanyang kuwarto nang biglang nanigas ang kanyang katawan. Sinubukan niyang ihakbang muli ang kanyang mga paa sa pagbabaka-sakaling guni-guni lamang ang paninigas ng katawan ngunit walang nangyari, nanatili pa rin siya sa kanyang puwesto sa harap ng bintana na animo'y estatwa. Tagaktak na ang malamig na pawis sa kanyang noo at mga kamay. Nagsimula siyang kabahan ng maramdaman ang paglakas ng ihip ng hangin at nang makita niya na may pumanaog mula sa kakaibang liwanag na pumapalibot sa buwan. Palapit nang palapit sa kanyang kinaroroonan ang kung anumang elementong iyon at ng hindi na nagkakalayo ang distansya nila sa isa't-isa, unti-unti niyang naaninag ang pigura ng isang babae. Ginusot niya ang kanyang mata upang malaman kung namamalik-mata lamang siya ngunit sa muling pagbuklat niya rito, nasa harapan na niya ang babae.
Napalitan ng pagkamangha ang kanyang kaba dahil sa kagandahan ng dilag at halos mahimok siyang hawakan ang mukha nito kung nakakagalaw lamang siya ngunit agad rin niyang inayos ang sarili at nadiskubreng naigagalaw pa rin niya ang kanyang bibig. "Maaari ko bang malaman kung sino ka ?" tanong niya sa dilag. "Ako si Selene, ang Diyosa ng buwan." sagot nito sa malumanay na tinig. "A-ano ako nga pala si Faux at nagagalak akong makilala ka." sabay handog ng kanyang ngiti sa diyosa. Halos pumalakpak ang kanyang tainga nang marinig ang matamis na tawa ng Diyosa dahil sa kanyang pagpapakilala, hindi siya makapaniwala na nabigyang katuparan ang hiling niyang mag-anyong tao ito. Ang Diyosa ngayo'y nasa harapan na niya at nakakausap pa niya. "Diyosa Selene, maaari mo bang pagalawin muli ang aking katawan?" tanong niya rito ngunit sinuklian lang siya nito ng makahulugang ngiti. "Faux, hindi na ako magpapaligoy pa, narito ako upang tuparin ang iyong hiling at ngayong natupad na ito, maaari ko na ring singilin ang nais kong kabayaran.". Nagulat si Faux sa pag-iiba ng tono ng pananalita nito ngunit tinanong niya pa rin ang Diyosa, "Anong kabayaran?". "Nais kong dalhin ka sa buwan." sabay ngiti nito. Napaisip si Faux at may kung anong bumagabag sa kanyang kalooban, naalala niya ang kanyang pamilya. "Gusto ko mang tanggapin ang alok mo pero may buhay ako rito at hindi ko maaaring iwanan ang aking pamilya." Tumawa lamang ito at nagsalita gamit ang malamig at kahindi-hindik na boses, "Wala ka ng buhay rito Faux, wala ng pakialam ang pamilya mo sa iyo !". "HINDI ! HINDI YAN TOTOO ! Hindi mo kilala ang pamilya ko ! mahal nila ako !" nagngingitngit na sigaw ni Faux. Biglang may lumitaw na imahe ng kanyang pamilya sa harapan niya, masaya ang mga itong kumakain at nagkukuwentuhan sa kanilang hapag-kainan ni hindi nila pansin na kulang sila ng isang miyembro, si Faux. Nanghina siya at tuluyang nilamon ng lungkot. Maaari ngang totoo ang sinasabi ng Diyosa, hindi na siya kailangan ng kanyang pamilya. Wala na siyang nagawa kundi ang lumuha at pagsisihan ang mga pagkakataong sinayang niya sa pagkahumaling sa buwan. Handa na niyang tanggapin ang kanyang tadhana ng marinig niya ang katok sa kanyang pinto. "Faux, anak ~ kakain na, hinanda ni mama ang paborito mong ulam, lumabas ka na riyan ha." malambing na boses ng ina ang nakapagpagising sa kanya. Ibinaling niya uli ang pansin sa Diyosa ngunit wala na ito sa kanyang harapan, bagkus ay ang malumanay na tinig na lamang nito ang kanyang narinig , "Sana'y may natutunan ka mula rito, pahalagahan mo ang sarili at ang iyong pamilya. Hindi nararapat na sayangin ang buhay dahil lang sa pagkahumaling sa isang bagay na di mo naman tiyak kung makapagbibigay ng kaligayahan sa iyo. Paalam Faux.". Nabunutan ng tinik si Faux at tumugon sa mensahe ng Diyosa, "Maraming salamat sa leksyong ito Diyosa Selene, hinding-hindi ko ito makakalimutan!". Napansin niyang nakakagalaw na siya kaya agad niyang pinunasan ang kanyang luha at ngumiti. Lumakad siya patungo sa pinto ng kuwarto at pinihit ang siradura, ito na ang huling beses na ikukulong niya ang sarili mula sa presensiya ng mga taong tunay na nagmamahal sa kanya. Panahon na upang buksan niyang muli ang pintong nag-uugnay sa kanya sa mas maligayang buhay sa labas.
Nagustuhan ko ang kwento mo. Hahaha. Sama mo na rin yung font style tsaka yung design nitong blog mo hahahaha
ReplyDeletetnx a lot
ReplyDeleteNagandahan ako sa story mo...pero parang may mali. Paano n'ya nakusot ang mga mata niya ehh naninigas naman ito?..😉😉😉
ReplyDeletenice
ReplyDelete\
weeeehhhh??
ReplyDeletesino po ang may akda?
ReplyDeletesalamat ginamit namin sa fil
ReplyDeletelalaki o babae si faux?
ReplyDeleteLALAKI PO!
DeleteIkinagagalak ko Ang pagkahumaling ni faux Kay dyosang selena
ReplyDeletedami mong alam
ReplyDeleteano ang bansang pinagmulan nito?
ReplyDelete